32 FILIPINO CREWS NG PINASABOG NA TANKERS LIGTAS

barko

MAYNILA – LIGTAS ang 21 seamen na lulan ng pinasabog na barko sa Persian Gulf, ayon sa ulat ng Department of Labor and Em-ployment (DOLE).

Ang mga Filipino ay crew ng Japan-ope­rated “Kokuka Courageous” na napaulat na pinasabugan habang naglalayag sa Persian Gulf.

Sa nakalap na ulat ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at ma­ging ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), nakalayo ang mga tripulante sa sumabog na barko.

Naisalba rin agad sila ng USS Bainbridge, isang barko ng U.S, na nagkataong naglalayag sa international waters.

Sa ipinadalang mensahe ni Lt. Col. Earl Brown, naglalayag sila malapit sa kinaroroonan ng Courageous nang makatanggap ito ng distress call bandang alas-6 ng umaga na kanila namang agad na nirespondehan.

Nakatanggap din umano ang Naval Forces Central Command ng distress call mula sa MV Front Altair.

Kinumpira ng shipping company na namamahala sa nasabing barko na ligtas ang lahat ng sakay nito na 11 Filipino at 11 Georgian.

Hinala ng United States, posibleng Iran ang  nasa likod ng pagpapasabog sa dalawang oil tankers sa Persian Gulf.

Sa kuha umano ng Navy P-8 surveillance plane ay makikita sa video ang papalayong patrol boat ng Islamic Revolutionary Guards sa “Kokuka Courageous”, isa sa dalawang barko na sumabog na pagmamay-ari ng bansang Japan.

Nakita rin sa nasabing ebidensiya na tila may tinatanggal ang mga ito na pinaniniwalaang limpet mine na ginamit umano bilang pampasabog.

Una na rito ang ulat na pagsabog ng dalawang tanker na nadikitan ng magnetic mine. VERLIN RUIZ

Comments are closed.