TINITIYAK na ng Department of National Defense (DND) na magkakaroon pa ng karagdagan air asset ang Philippine Air Force (PAF) para palakasin ang kanilang kapasidad laban sa terorismo at pagtugon sa humanitarian assistance at disaster response.
Ito ay kasunod ng ginawang paglagda ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ng kontrata para sa pagbili ng ahensiya ng 32 karagdagang Sikorsky S70i Blackhawk utility helicopters sa PZL Mielic ng Poland.
Ayon kay Dir. Arsenio R. Andolong, tagapagsalita ng Defense department, nakapaloob sa $624 million na kontrata para sa 32 Blackhawk S70i chopper ang integrated logistics support at training package para sa mga piloto at maintenance crew.
Unang nakumpleto ng PZL Mielic noong nakaraang taon ang pag-deliver ng 16 na Blackhawk na unang binili ng DND.
Umaasa si Lorenzana na mapapasimulan agad sa lalong madaling panahon ang paggawa at pag-deliver sa panibagong order na Blackhawk helicopters.
“Hopefully, the delivery of these new utility helicopters will start soon. I think we will not be here anymore to receive these helicopters, but nonetheless, we will be happy to see the improvement of the capability of the Philippine Air Force,” pahayag pa ng defense chief.
Sinabi ng kalihim na nasisiyahan ang PAF sa kapabilidad ng Blackhawk choppers.
“This is a continuing relationship between our countries. The Philippine Air Force is very happy with the Black Hawk helicopters,” diin ni Lorenzana.
Kasama ni Lorenzana sa ginanap na signing ceremony sa Camp Aguinaldo si Janusz Zakrecki, ang pangulo ng PZL Mielec. VERLIN RUIZ