32 PINOY MULA AFGHANISTAN UUWI NA

DAHIL sa karahasan at banta ng seguridad, nasa 32 Pinoy ang nakatakdang umuwi mula sa Kabul, Afghanistan.

Sa abiso kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA), nakikipag-coordinate na sila sa gobyerno at sa international community para magarantiya ang kaligtasan ng agarang pag-uwi ng mga ito sa Pilipinas.

Nabatid na kamakalawa ng gabi ay 32 Pinoy ang inilikas at ngayon ay nasa Doha para maghintay sa kanilang flight pauwi ng Pilipinas.

Bukod dito, 19 pang grupo ng Pinoy ay inihahanda na para kaagad na makaalis sa nabanggit na lugar.

Nabatid din na nag-isyu ang DFA ng alert level 4 sa buong Afghanistan para sa mga Pinoy roon bunsod ng karahasan at hindi magandang sitwasyon ng seguridad.

Nanawagan ang ahensiya sa mga Pinoy na nasa Afghanistan na sumama na sa repatriation at kung kinakailangan ay kaagad na makipag-ugnayan ang mga ito sa Philippine Embassy sa Pakistan o sa OFWHelp para kaagad na matulungan ang mga ito. LIZA SORIANO

Comments are closed.