UMABOT sa 32 porsiyento ang itinaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin, ayon sa isang consumer group.
Ayon sa Laban Konsyumer, simula noong Hunyo 8 ay nagtaasan na ang presyo ng basic goods nang hindi namamalayan ng publiko, lalo na iyong mga nasa listahan ng basic commodities.
Sinabi ni Laban Konsyumer president Vic Dimagiba na nagsagawa ng pag-aaral ang kanilang grupo at natuklasan nila na simula noong Disyembre 2017 hanggang sa kasalukuyan ay umangat na ang presyo ng sardinas ng tatlo hanggang 11 porsiyento o P0.40 centavos hanggang P1.40 kada lata, habang ang canned meat products tulad ng corned beef ay tumaas ng dalawa hanggang 32 porsiyento o P0.70 hanggang P8.40 kada lata .
Taliwas ito sa tinuran ni Trade Secretary Ramon Lopez na maliban sa asukal ay matatag ang presyo ng basic goods dahil sa dami ng mga kompanya na nagkukumpetensiya sa merkado, na ang bawat isa ay ayaw magtaas at lahat ay nais maging huli sa pagtataas ng presyo upang makuha ang loob ng mga konsyumer .
Dahil dito, hiniling ng grupo sa DTI na palawakin ang listahan ng mga lalagyan ng suggested retail price o SRP at hindi pipiliin lamang yaong mga hindi mabibiling produkto o brand.
Nagbabala naman ang mga supermarkets association na kapag lahat ng produkto ay pakikialaman ng pamahalaan ay maituturing na ito na price control at hindi ito malusog sa kalakalan. BENJARDIE A. REYES
Comments are closed.