32 PULIS BAGONG DAGDAG SA COVID-19 CASES NG PNP

KASABAY ng deklarasyon na moderate risk sa Metro Manila sa COVID-19, maging sa Philippine National Police (PNP) ay bumababa na rin ang bilang ng mga bagong kaso nito gayundin sa aktibong kaso o mga nagpapagaling.

Ito ay nang maitala ng Philippine National Police –Health Service (PNP-HS) na 32 na lamang na pulis ang bagong dagdag sa kaso na malaking pagbagsak mula sa 500 bagong kaso noong unang Linggo ng Enero ngayong taon.

Habang ang aktibong kaso hanggang kahapon, Pebrero 6. ay nasa 684 na lamang na mas mababa ng 87 kumpara sa 771 na naitala nitong Sabado.

Ang pagbaba ng aktibong kaso ay kasunod ng 119 bagong recoveries at mababa ring bagong infections sa PNP kaya ang kabuuang kaso sa organisasyon ay nasa 48,567 na habang ang kabuuang gumaling ay nasa 47,756 na pulis.

Nananatili naman sa 127 ang nasawi dahil sa sakit na ang huli ay naiulat noong Pebrero 1 habang ang una ay noon pang Abril 2020.

Samantala, ang nasa 95,175 na ang tumanggap ng booster shots; 219,856 naman ang fully vaccinated at ang ang naghihintay pa na makumpleto ang bakuna ay 5,170 na lamang.

Ang mga hindi pa bakunado ay 864 kasama na ang 427 na mayroong medical conditions.
EUNICE CELARIO