MUKHANG ligaw ang ngakngak ni ACTS-OFW partylist Rep. Aniceto Bertiz III na isinisisi sa Philippine Overseas Employment Authority (POEA) ang napipintong pagsibak sa may 320,000 Filipino seafarers na nakasakay at pasakay sa European merchant ships.
Ang dapat tumbukin dito sa pagkakaipit ng ating mga seafarer ay ang maritime training institutes and training centers na dapat nagsipag-upgrade na upang makatugon sa International Convention of Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers na prekripsyon ng International Maritime Organization (IMO) upang mabigyan ang ating mga seafarer ng certificate of compliance. Baka magtaka si Rep. Bertiz sa ating figure na 320,000 seafarers, ang eksplanasyon dito ay ang 80,000 seafarers ay para lamang sa tatlong buwan na sea assignment, at mayroong apat na sea assignments sa loob ng isang taon.
Ang EMSA (European Maritime Safety Agency) naman ay kumakatawan sa mga bansang Europeo na nagmamay-ari ng mga merchant ship na ito na sila namang patatakbuhin ng mga Filipino seafarer. Kaya gayon na lang ang kanilang sigasig sa paniniguro na may angkop na kaalaman at kasanayan ang mga manlalayag nating Filipino na magpapatakbo ng kanilang mga barko. Ang tunay na dahilan kung bakit maaaring hindi makapagbigay ang EMSA ng certification sa bansa ay dahil karamihan sa 120 maritime training institutes and centers sa bansa ay hindi nakapag-upgrade o naka-comply sa requirement ng International Convention ng STCW.
Maaalalang ang dating administrator ng Maritime Industry Authority na si Dr. Maximo Mejia Jr. ay nagsuspinde ng halos kalahati ng kabuuang bilang ng mga maritime training institutes at training centers sa bansa noong 2015 upang maseguro na ang mga ito ay makapag-upgrade. Ano na nga ba ng nangyari sa mga programang nailunsad kaugnay sa compliance na ito noong panahon ni Dr. Mejia?
Dapat yata ito ang tinutukan ni Rep. Bertiz at mas nakatulong pa sana siya sa sector na kanyang nire-represent.
Ang nararapat sipatin dito sa pangyayaring hindi nagtuloy-tuloy na pag-upgrade ng nasabing training institutes at centers ay ang ‘monitoring body’ na naka-assign dito na mula sa Commission on Higher Education at ang Marina.
Dito maaaring nagkaroon ng korupsiyon kaya napapabayaan, napapayagan at nakalulusot ang mga non-compliant training institutes and centers, na ikinadismaya ng EMSA. ‘Yan ang dapat tumbukin ni Rep. Bertiz kaysa inililigaw niya ang usapin, kung tunay lamang na gusto niyang matunton ang puno’t dulo nito.
Comments are closed.