NASA 32,706 pulis ang idineploy sa mga paaralan sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante sa pagbubukas ng klase kahapon, Agosto 29.
Bukod sa mga paaralan, pinalakas din ang police visibility sa mga estratehikong lugar na kadalasang dinaraanan ng mga estudyante lalo na sa Metro Manila partikular sa university belt sa Recto Sta. Cruz gayundin sa Taft Avenue sa Maynila.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang hakbang ay pagsunod sa kanilang mandato na magbigay ng proteksyon sa publiko.
“Guided by an unyielding dedication to public safety, we are fully prepared to create a secure and conducive environment for our students as they embark on another year of learning,” anang PNP chief.
Para mapalakas ang pagbibigay ng kaligtasan, naglagay ng 6,159 Police Assistance Desks sa iba’t ibang educational establishments sa bansa.
“These assistance desks are designed to provide immediate support and guidance to the school community, ensuring swift response during any concerns or emergencies,” ayon kay Acorda.
Tinukoy naman ni Acorda ang direktang tungkulin ng mga idineploy na 32,706 PNP personnel at ang mga ito ay ang puspusang pagtitiyak ng kaligtasan sa class opening.
Aniya, dapat alerto ang mga pulis laban sa mga kriminal na mananamantala sa dagsang estudyante at guro na magtutungo sa paaralan.
Nagpaalala rin ang PNP sa mga guro, estudyante, magulang at guardian na kapag may posibleng panganib ay agad na hingin ang tulong ng pulisya.
“The PNP actively encourages parents/guardians, students, and educational staff to collaborate with law enforcement in fostering a secure and conducive learning environment. The success of this collective endeavor hinges on promptly reporting any suspicious activities or incidents to the nearest Police Assistance Desk,” ani Acorda.
EUNICE CELARIO