32K DELINGKWENTENG MAY-ARI NG SASAKYAN NAGPAREHISTRO NA

AABOT sa mahigit sa 32,000 na mga may-ari ng delingkuwenteng sasakyan at motorsiklo ang nagparehistro ng kanilang mga sasakyan sa Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) simula nitong Enero 1 hanggang 23.

Ayon kay LTO-NCR Regional Director Roque “Rox” I. Verzosa III, nasa kabuuang 11,745 sasakyan at 20,625 motorsiklo na hindi rehistrado ang naiparehistro hanggang nitong Martes.

Aniya, bunga ito ng mga operasyon ng mga tauhan mula sa regional at district law enforcement ng LTO-NCR sa ilalim ng pamumuno ni Verzosa, kasama si Assistant Regional Director Hansley “Hanz” H. Lim.

Naunang iniutos ni LTO chief Asec. Atty. Vigor Mendoza II sa mga regional office ng LTO na masusing ipatupad ang patakaran ng “Walang rehistro, walang biyahe.”

Binanggit nito, hanggang Nobyembre, 2023, mayroong  24.7 milyong delingkwenteng sasakyan na pag-aari ng mga indibidwal na hindi pumasa o sadyang tumanggi na magparehistro ng kanilang mga sasakyan.

Ayon sa talaan ng LTO, ang karamihan sa mga delingkwenteng sasakyan ay mga motorsiklo.

 PAULA ANTOLIN