(33-year drought tinapos) MAPUA KAMPEON SA NCAA

NAKAKAWALA ang Mapua sa multo ng kanilang dalawang nakaraang masakit na pagkatalo sa NCAA men’s basketball Finals, kinumpleto ang two-game sweep sa College of Saint Benilde sa 94-82 panalo kahapon sa Araneta Coliseum.

Sa pangunguna nina last season’s MVP Clint Escamis at Rookie of the Year Chris Hubilla, nasikwat ng Cardinals ang ika-6 na korona sa kabuuan at ang kanilang una magmula noong 1991, upang putulin ang 33-year championship drought.

Ang pagkatalo sa Letran noong May 2022 at sa San Beda noong nakaraang taon ang nagpaigting sa determinasyon ng Mapua na tuldukan ang kanilang championship heartbreaks.

Kinuha ang Finals opener sa 84-73 panalo, pinagtibay ng Cardinals ang kanilang dominasyon sa best-of-three series, at tiniyak na hindi na sila tutukod tulad ng nangyari noong nakaraang season kontra Red Lions.

“Finally, ibinigay na sa amin after 33 years. Nagpapasalamat ako sa sumuporta sa amin. Siyempre, tuwang-tuwa ako at finally nakuha na namin after three tries,” masayang pahayag ni Mapua coach Randy Alcantara.

“Yung gutom. Siyempre 33 years. Yun lang talaga yung motivation namin. Palagi na lang namin sinasabi na maging gutom sa bawat laro. Yung hustle, dedication, at laki ng puso nandun,” dagdag pa niya.

Nanalasa si Finals MVP Escamis sa second period, itinala ang siyam sa kanyang 18 points. Ang kanyang leadership ay nakatulong upang itarak ng Mapua ang 10-point edge kasunod ng layup ni Cyrus Cuenco.

Tinapos ni Escamis ang half sa isang jumper upang palobohin ang kalamangan ng Cardinals sa 45-37.

“Super surreal itong moment na to,” sabi ni Escamis, may average na 24 points, 4.0 assists, atb4.0 steals per game sa Finals.

“I just wanted this so bad. Ever since last year, nandun ako sa baba ng rim habang pinuputol yung net. Ngayon, ako na ang pumuputol doon.”

Nanguna si Cuenco para sa Mapua na may 19 points at 4 assists, habang nagdagdag si Hubilla ng 15 points at 8 rebounds.

Pinangunahan ni Season MVP Allen Liwag ang Blazers na may 14 points at 10 rebounds subalit nahirapan sa matinding depensa ng Cardinals.

Ito ang ikalawang runner-up finish ng Blazers sa huling tatlong seasons

Iskor:
Mapua (94) – Cuenco 19, Escamis 18, Mangubat 17, Hubilla 15, Recto 9, Igliane 8, Bancale 6, Garcia 2, Concepcion 0, Fermin 0.

Benilde (82) – Sanchez 24, Ynot 17, Liwag 14, Sangco 7, Oli 7, Torres 5, Ancheta 4, Eusebio 2, Ondoa 2, Cajucom 0, Cometa 0.

Quarterscores: 24-23, 45-37, 66-56, 94-82