(33,286 cops ikinalat) BALIK-ESKWELA BANTAY SARADO NG PNP

PINAIGTING ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa pagbabalik ng mga guro, school workers at estudyante sa mga paaralan sa buong bansa kahapon.

Una nang naantala ang class opening ng nasa 900 paaalan sa limang region noong Hulyo 29 kasunod ng pananalasa ng Habagat at Bagyong Carina.

Gayunpaman, ilan sa mga paaralan na sakop ng mga lugar na hindi naapektuhan ng masamang panahon ay nagtuloy sa class opening noong isang Linggo habang kahapon ay idineklara na walang pasok sa Malabon City, Navotas City at San Jose del Monte, Bulacan dahil sa high tide at nakaambang masamang panahon.

Sa pagbubukas ng klase, idineploy ng PNP ang kabuuang 33,286 personnel sa iba’t ibang paaralan sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan sa panimula ng academic year.

Tiniyak din ni Col. Jean Fajardo, hepe ng PNP Public Information Office, alinsunod sa kautusan ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbill, nagtayo rin ng Police Assistance Desks (PADS) para agad makareponde ang mga pulis sakaling maitala ang mga untoward incident.

“The safety of our children as they return to school is our utmost prio­rity,” ayon kay Marbil.

Samantala, sinabi ni Fajardo na aktibong nakibahagi ang mga pulis sa “Brigada Eskwela” clean-up initiative, lalo na sa mga apektadong lugar dahil sa bagyo upang ma­tiyak na ang mga nagbabalik-eskwela ay ligtas at malinis ang madaraanan patungo sa paaralan.

 EUNICE CELARIO