UMABOT sa 335,565 indibidwal sa Muntinlupa ang mga fully vaccinated habang lumapas naman sa target population ang pagbibigay ng unang dose ng bakuna sa lungsod.
Base sa datos ng Muntinlupa City COVID-19 Vaccination Program (MunCoVac) noong Nobyembre 19, sa kabuuang 335,565 indibiduwal na naturukan ng ikalawang dose ng bakuna kabilang na dito ang 10,659 na nabakunahan naman sa mga pribadong kumpanya sa lungsod.
Ang 87 porsiyento na target population ng lokal na pamahalaan na 385,725 ay katumbas ng 70 porsiyento ng kabuuang populasyon ng lungsod na 551,036.
Ayon sa MunCoVac, ang 402,013 indibiduwal na tumanggap ng unang dose ng bakuna ay katumbas din ng 104.2 porsiyento ng target population ng lungsod.
Dagdag pa ng MunCoVac, ang kanilang nagamit na bakuna na naiturok na sa mga residente ay umabot na din sa 733,219 vaccines.
Habang ang bilang ng mga naipagkaloob na bakuna sa mga indibidwal sa lungsod ay dumarami, ang arawang datos naman ng aktibong kaso ng coronavirus disease o COVID-19 ay nananatili pa ring mas mababa sa 100.
Sa report ng Muntinlupa City Health Office (CHO) noong Nobyembre 22 ay nakapagtala ang lungsod ng 27,584 kumpirmadong kaso ng COVID-19 kabilang na dito ang 70 aktibo at isang bagong kaso habang 26,939 ang mga nakarecover at 578 naman ang mga namatay sa virus.
Kasabay nito, hinimok ang publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa ipinatutupad na basic health protocols sa lungsod kabilang ang wastong pagsusuot ng face mask at pag-obserba ng social distancing. MARIVIC FERNANDEZ