337 BAGONG KASO NG DENGUE NAITALA SA QC

TINATAYANG  umabot sa 337 ang bilang ng bagong kaso ng dengue sa Quezon City mula Enero 1 hanggang Enero 27 ng taong kasalukuyan kaya pinag-iingat ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang mga mamamayan nito laban sa naturang nakamamatay na sakit.

Ayon sa mga opisyal ng Quezon City Epidemiology and Surveilance Unit, sa District 4 may naitalang pinakamaraming kaso na umabot sa 82 kaso mula sa 337 na bilang ng nakaraang buwan.

Sa District 3 naman ang may pinakamababang kaso na umaabot lang sa bilang na 27.

Dalawa ang naiulat na nasawi sa mga naitalang nagkasakit ng dengue sa naturang panahon na nagmula sa Districts 1 at 2.

Nanawagan ang lokal na pamahalaan sa mga mamamayan dito na panatilihin ang malinis na kapaligiran, at alisin ang mga pwedeng pamahayan ng mga lamok tulad ng gulong, plorera, tansan at iba pang maaaring maimbakan ng tubig ulan.

Paalala sa QCitizens, magtungo agad sa pinakamalapit na health center o ospital kung may makita o maramdamang sintomas ng dengue.

Ang dengue ay isang sakit o virus (genus flavivirus) mula sa kagat ng lamok (female mosquito) na Aedes Aegypti.Ang lamok na ito ay karaniwang nakikita sa ating kapaligiran at ito ang klase na nangangagat sa mga tao sa araw imbes na sa gabi.

Ang dengue ay naipapasa mula sa kagat ng lamok na nangingitlog sa ibabaw ng tubig tulad ng makikita sa flower vase, mga naiipong tubig-ulan, sa gulong o basyo ng lata. Ang Aedes Aegypti ay karaniwan naglalagi sa madidilim na lugar na bahagi ng bahay.

Ang karaniwang sintomas ng dengue ay pagkakaroon ng mataas na lagnat, pananakit ng tiyan at pagsusuka, pagdurugo ng ilong, pagkakaroon ng rashes o pantal sa balat, matinding pananakit ng ulo, kasu- kasuan, at katawan.

Takpan ang mga drum,timba at iba pang ipunan ng tubig upang hindi pamahayan ng kiti kiting. Sirain ang pinamumugaran ng mga lamok. Ma.Luisa Macabuhay Garcia