34 INDIAN MEAT EXPORTERS APRUB SA DA

INAPRUBAHAN ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang accreditation ng 34 Indian companies para mag-supply ng frozen buffalo meat o carabeef.

Ayon sa DA chief, ang hakbang ay naglalayong mapalawak ang sourcing options para sa Philippine food processors at posibleng mapababa ang halaga para sa Filipino consumers, partikular para sa mga produkto tulad ng corned beef.

Sinabi ni Secretary Tiu Laurel na ang accreditation ng karagdagang Indian meat exporters ay naaayon sa kanyang mas malawak na bisyon na makaakit ng mas maraming foreign companies sa Philippine market.

“We do not intend to increase imports. What we want is to encourage more foreign companies to compete for our market, which will ultimately drive down the cost of imported agricultural products, benefiting consumers,” paliwanag niya.

Ang listahan ng accredited Indian meat exporters ay kinabibilangan ng anim na kompanya na naunang inaprubahan noong 2019 at humiling kamakailan na i-renew ang kanilang accreditation.

Ang bagong accreditation ay valid sa loob ng tatlong taon, at mapapaso sa December 12, 2027.

Kinumpirma ni Secretary Tiu Laurel na lahat ng 34 Indian exporters ay nakasunod sa requirements. Gayunman, 13 sa mga ito ay hindi agad makakapag-export ng carabeef sa Pilipinas dahil ang kanilang operasyon ay base sa tatlong Indian states— Maharashtra, Telangana, at Bihar— kung saan iniulat ang aktibong Foot-and-Mouth Disease (FMD) outbreaks.

Upang maprotektahan ang local cattle at livestock, ang Department of Agriculture ay nagpatupad ng import ban sa tatlong states na ito. Ang pag-angkat ng carabeef mula sa mga rehiyon na ito ay ipagbabawal hanggang ang mga ito ay hindi idinedeklarang FMD-free ng National Competent Authority ng India.

Gayunman ay nilinaw ng DA na hindi ito magkakaloob ng exemptions para sa heat-treated products, dahil ang accreditation ay para lamang sa pag-angkat ng frozen carabeef.

Sinabi ni Tiu Laurel na kung ang India ay may pamamaraan ng pagpapakulo sa carabeef upang matugunan ang mga alalahanin sa FMD — katulad sa proseso na ginagamit ng Pakistan para sa buffalo meat na ine-export nito sa China— ay ikokonsidera niya ang pagpapahintulot sa nasabing imports. “If they can do that, I will allow it,” aniya.

Ang accreditation ay sumailalim sa masusing verification process na isinagawa ng DA, kabilang ang inspection mission ng Bureau of Animal Industry at ng National Meat Inspection Service. Sinuri ng audit ang pagsunod ng India sa animal health and food safety standards ng Pilipinas.

Nirepaso ng BAI team ang animal health protocols sa pitong Indian states— Uttar Pradesh, Punjab, Andhra Pradesh, Haryana, Maharashtra, Telangana, at Bihar. Sa isinagawang inspeksiyon, natuklasan ang active FMD cases sa huling tatlong states.

Samantala, kinumpirma ng NMIS team na ang lahat ng 34 companies na humingi ng accreditation ay nakatugon sa international food safety standards, kabilang ang Good Manufacturing Practices at Hazard Analysis and Critical Control Points.

“The DA’s decision to approve increased carabeef imports in 2020 was aimed at supporting local meat processors, who rely on affordable carabeef to produce low-cost corned beef,” ayon sa ahensiya.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay umaangkat ng tinatayang 40 percent ng carabeef needs nito, dahil hindi ganap na matugunan ng domestic production ang market demand.
MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA