34 ISFs INI-RELOCATE NG PRRC SA MORONG, RIZAL

Jose Antonio Goitia

UMABOT sa 34 informal settler families (ISFs) na naninirahan sa gilid ng Ermitaño Creek sa Barangay Damayang Lagi, Quezon City ang magkatuwang na ini-relocate ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC), lokal na pamahalaan ng Quezon City at ng Local Inter-Agency Committee of Quezon City (LIAC-QC) nitong nakaraang Setyembre 11.

Ayon kay PRRC Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia, inilaan ng National Housing Authority (NHA) at ng Munisipalidad ng Morong ang mga pabahay sa St. Martha housing project, Barangay Maybancal, sa nasabing bayan sa lalawigan ng Rizal.

Ipinaliwanag pa ni Goitia na mahalagang mailikas na ang mga ISF mula sa sapa dahil matagal nang hinaharap ng mga ito ang peligrong mang­gagaling sa leptospirosis, diarrhea at iba pang waterborne diseases.

“Hindi lamang ang mga panganib sa kalusugan ang delikado rito ngunit kung iisipin mo na kung hindi pa natin nai-relocate ang mga pamilya at papasok sa atin ngayon ang magkasunod na bagyo kagaya ng pagtantiya ng PAGASA, tiyak na sobrang pinsala ang dadanasin nila sanhi ng flash floods,” ani Goitia.

Upang matiyak na hindi na makababalik ang ISFs sa da­ting lugar, pumayag ang mga pamilyang gibain ng PRRC at Metro Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang mga barong-barong sa Ermitaño Creek.

Kagaya ng Ermitaño Creek sa San Juan City, planong pagandahin ng PRRC ang narekober na easements upang lagyan ng walkway at linear park para sa kaligtasan gayundin ang paggamit ng komunidad sa barangay at ang patuloy na rehabilitasyon ng naturang lawa na isang tributaryo ng Ilog Pasig.

Samantala, tiniyak naman ni Quezon City Mayor Herbert M. Bautista na mabigyan ang mga pamilya ng sapat na suplay ng pagkain kagaya ng bigas, de-lata at kape dagdag pa ang P2,000 kada pamilya at P1,000 financial assistance mula NHA.

Bukod pa rito, sinagot ng PRRC ang mga truck at van upang maayos at ligtas silang makalipat sa Rizal.

Para naman sa Department of Interior and Local Government, sasagutin na nila ang pagkakaloob ng P18,000 additional financial assistance sa mga ISF.