348 VIALS NG SINOVAC NAPANIS

NORTH COTABATO-TINATAYANG aabot sa 348 vials ng Sinovac na nagkakahalaga na P.5 mil­yon ang hindi na magagamit nang nakaligtaang paandarin ang freezer na kinalalagyan ng bakuna sa bayan ng Makilala sa lalawigang ito kamakalawa.

Kinumpirma ni Dra. Eva Rabaya ng Integrated Provincial Health Office ng North Cotabato na hindi na maaaring gamitin ang mga bakuna matapos na mahigit sa dalawang araw itong nakatengga sa freezer na nakalimutang paandarin.

Ayon kay Rabaya, na nagkakahalaga ng P1, 500 ang kada bakuna na nakalaan sana sa mga senior citizen sa nasabing bayan.

Sa inisyal na ulat, inilipat sa freezer ng Makilala PNP ang mga vaccine matapos mawalan ng supply ng kuryente ang service area ng COTELCO noong Biyernes ng umaga.

Nabatid na generator ang ginamit sa freezer at sinasabing nakaligtaan itong ibalik sa linya ng COTELCO nang bumalik na ang supply ng kuryente.

Sa pahayag ni Lito Canedo, IATF spokesperson sa bayan ng Makilala, inilipat sa freezer ng Makilala PNP ang mga vaccine noong Biyernes subalit nadiskubre ng in-charge ng MHO Makilala na hindi pala naka-on ang freezer noong Lunes.

Iniimbestigahan ng grupo ni Makilala Municipal Health Officer Dra. Georgina Sorilla katuwang ang pamahalaang lokal para alamin kung sino ang may kapabayaan sa nasabing insidente.

Magugunita na may kapabayaan din naganap sa ibat ibang bakuna na bcg, measles, pneumonia, insulin at iba pa na napanis sa freezer na sinasabing nakaligtaan din isaksak sa kuryente noong Pebrero 15, 2021. MHAR BASCO

3 thoughts on “348 VIALS NG SINOVAC NAPANIS”

Comments are closed.