349K NA ANG TOTAL RECOVERIES SA COVID-19

DOH-4

INIULAT ng Department of Health (DOH) na umabot na sa halos 349,000 ang bilang ng mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na gumaling na sa sakit.

Batay sa case bulletin na inilabas ng DOH, hanggang 4PM nitong Nobyembre 1 ay may naitala pa silang 17,727 bagong COVID-19 recoveries.

Dahil rito, umabot na ngayon sa 348,760 ang kabuuang bilang ng mga nakarekober mula sa virus.

Samantala, umakyat na rin sa 383,113 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa, matapos na makapagtala pa ng 2,396 na bagong kaso ng sakit.

Sa kabuuang kaso, 27,115 o 7.1% pa ang aktibo o active cases, at 91.5% sa mga ito ang mild at asymptomatic cases, 5.4% ang kritikal, at 3.1% ang severe.

Ayon sa DOH, kabilang sa mga lalawigan at lungsod na nanguna sa listahan ng may pinakamataas na kaso ng virus infection ay ang Davao City na may 148 new cases, Quezon City na may 146 new cases, Laguna na may 122 new cases, Cavite na may 112 new cases at Benguet na may 100 new cases.

Mayroon  namang 17 na bagong nasawi dahil sa virus sanhi upang umabot na ngayon sa 7,238 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa bansa dahil sa CO­VID-19. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.