34K MANILEÑO DUMALO SA CITY-WIDE ‘KALINGA SA MAYNILA’

DINALUHAN ng mahigit 34,000 Manileño ang city-wide Kalinga sa Maynila na programa ni Mayor Honey Lacuna kahapon ng umaga.

Personal na pinuntahan ni Mayor Honey Lacuna ang lahat ng distrito sa Maynila upang maghatid ng serbisyong medikal at dental, libreng masahe, at iba pang mahalagang serbisyo sa bawat distrito ng lungsod kagaya ng social welfare support programs.

“Sinikap po natin na mailapit sa mga Manileño ang tulong na kailangan nila upang mas mapadali ang kanilang pagbangon,” ani Lacuna.

“Naririto tayo para tugunan ang kanilang mga pangangailangan,” dagdag pa nito.

Sinimulan noong 2022 sa pamumuno ni Mayor Honey Lacuna, ang Kalinga sa Maynila ay naglalayong dalhin ang mga serbisyo ng City Hall direkta sa bawat barangay. Mahigit 500 barangay na ang natulungan ng programang ito.

Ayon kay Myrna Florencio mula Barangay 274, laking pasasalamat sa tulong na dinala ni Mayor Honey sa kanilang distrito.

“Nagpapasalamat po kami sa Kalinga sa Maynila dahil hindi na namin kailangan pumunta sa City Hall— sila na ang lumapit sa amin,” ani Aling Myrna.

PMRT