35 KATUTUBONG WIKANG FILIPINO NANGANGANIB MAGLAHO

ni Ma.Luisa Garcia


NAGPAHAYAG  ng pangamba ang isang mataas na opisyal ng gobyerno sa posibleng paglaho umano ng mahigit kumulang 35 na katutubong wikang Filipino matapos tuluyan nang maglaho ang lima pa dahil sa modernisasyon, lalo na kung ito ay patuloy na hindi gagamitin ng mga mamamayan.

Ito ay sinabi ni Dr.Arthur Casanova, Chairman ng Kagawaran sa Wikang Filipino ( KWF) sa isang panayam, matapos maganap ang paggawad ng KWF Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo publiko 2023 sa Metropolitan Theater sa mga ahensya ng pamahalaan na gumagamit ng Wikang Filipino sa kanilang mga transaksyon, bilang bahagi ng pagtatapos ng selebrasyon ng bansa ng Buwan ng Wika.

Sinabi ni Casanova na dapat ay palaganapin ang wikang Filipino kasabay ng pagpapalaganap ng mga katutubong wika.” Mandato ng komisyon na paunlarin, linangin at payabungin ang wikang Filipino kasabay ng mga katutubong wika. At yan po ay nakasaaad din sa Saligang Batas ng 1987,” sinabi ni Casanova.

Sinasabi sa Batas Tagapagpaganap 335 na dapat ay gamitin ang wikang Filipino lalo na sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno, at sila umano ang dapat mamuno sa pagpapakita ng magandang ehemplo sa paggamit at pagpapalaganap ng wikang Filipino ayon sa nakasaad sa batas.

Ito umano ang dahilan kung bakit iginagawad ng kagawaran ang Selyo ng Kahusayan sa mga ahensya ng pamahalaan simula 1987 bilang pagkilala sa mga tumalima ayon sa sa nakasaad sa batas na paggamit ng wikang Filipino sa kanilang mga transaksyon, komikasyon, mapasulat man o pagbigkas. Bagama’t hindi isinasantabi ng Komisyon na ang pagkilalang ito ay maaari ring igawad sa mga sa pribadong sektor, subalit binibigyan umanong prayoridad dito ang mga ahensya ng pampamahalaan sang ayon sa nakasaad sa atas tagapagpaganap 335.”Ngunit mayroon din bahagi dun na maging ang mga pribadong ahensya ay baka sakali.Kasi ang mahalaga po dito ay ang paggamit ng wikang Pilipino sa mga transaksyon at komunikasyon,” ayon kay Casanova.

“Ang Selyo ng Kahusayan ay ibinibigay sa mga ahensya na nakapagsanay at nakaabot ng standard ng kahusayan sa paggamit ng wikang Filipino sa kanilang tanggapan sa transaksyon, dokumento, pasalita man o pasulat sa komunikasyon, patalastas, o anupamang gawain ng opisina ng ating pamahalaan.Ito po ay bilang tugon sa Batas Tagapagpaganap 335 na nilagdaan ng dating Pangulong Corazon Aquino,” sabi ni Casanova.

Bagamat ipinagdidiinan ng Komisyon ang paggamit ng wikang Flipino bilang opisyal na lengguwahe ng ating bansa, ay dapat umanong kaalinsabay gamitin din nito ay ang mga katutubong wika sa iba’t ibang rehiyon upang hindi maglaho ang mga ito.

Kahit umano ang wikang opisyal ng ating bansa ay Filipino ay maaari pa rin namang gamitin ang wikang Inglis, sabi ni Casanova. “Hindi po pinagbabawal ang wikang Inglis.Ang mga Filipino ay bilingual, multicultural kaya mas maraming wika ang kanilang alam mas maganda po,” sabi ni Casanova.

“Tungkulin ng bawat ahensya ng gobyerno na gamitin ang wikang Filipino maging sa mga talastasan, ng sa ganun po ay maiangat natin ang antas ng ating wikang Pambansang Filipino.

Alam n’yo po na sa tuwing tayo ay gumagamit ng ating wikang pambasang Filipino sa mga tanggapan.Pagpapatunay lamang po ito na tayo po ay nagmamahal sa ating sariling wika, identitad.

Ang sariling wika natin ang wikang Pambansa, ang ating kakayahan, sagisag ng ating pagka Filipino. Kaya’t hinihimok po ng ating Komisyon sa ating Wikang Filipino na ang lahat ay tumupad sa atas tagapagpaganap 335 dahil tungkulin po ng bawat tanggapan na gamitin ang ating wikang Pambansa sa kanilang mga ahensya,” ayon kay Casanova.
ITUTULOY