35 MAGSASAKA SA PALAYAN CITY BINIGYAN NG BAHAY

magsasaka

MAAGA  ang naging Pasko ng 35 magsasaka sa Palayan City, Nueva Ecija makaraang bigyan ng bago at konkretong bahay.

Ang 30 sa mga bahay ay personal na kaloob ng pamilya ni Mayor Rianne Cuevas at ang iba ay ipinagawa ng Local Goverment Units (LGUs), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at isang foundation.

Mahigit sa 100 bahay pa ang kasalukuyang ginagawa at inaasahang maipapamigay sa unang quarter ng 2020.

Ayon kay Mayor Cuevas, nais nilang matulungan ang mga magsasaka na hirap sa mga panahong ito dahil bagsak ang presyo ng palay sa merkado.

“Inuna po naming binigyan ng bahay ang mga magsasaka na walang maayos na tirahan. Tuloy-tuloy po ang programang ito na ang layunin naming taga-Palayan ay makatulong sa mga walang maayos na tirahan sa aming lugar,” sabi ni Mayor Cuevas.

Ang mga bahay na ipinamigay ay gawa sa semento, tabla at yero na may maayos na kusina, banyo at labahan.

Laking pasasalamat naman ng mga magsasakang nabiyayaan ng bagong bahay at sinabing ito na ang kanilang pinakamasayang Pasko dahil sa natanggap na regalo mula sa alkalde.

Tinurn- over ni Palayan City Mayor Rianne Cuevas ang mga bagong bahay.

Ang programang pabahay ay tuloy-tuloy na isinusulong ng pamilya ng alkalde, LGUs, DSWD at Foundation  para sa mga magsasaka na may lupa pero walang perang pampagawa ng bahay.

Comments are closed.