MUKHANG ang matagal nang tsismis tungkol sa korupsiyon sa mga proyektong gobyerno ay totoo. Ayon sa isang ‘think tank’ o isang grupo ng mga eksperto na nagbibigay payo at ideya sa mga isyung tungkol sa politika at ekonomiya, 35 % sa mga badyet ng ating proyektong impraestruktura ay napupunta sa korupsiyon para sa mga opisyal ng gobyerno at mga empleyado. Ito ay upang mapabilis ang proseso ng mga permit at dokumento para hindi ma-delay ang mga ito. Kung minsan pa raw ay nagbabawas o nagtitipid sa kalidad ng materyal ang mga kontraktor ng mga nasabing proyekto para mabawi nila ang kanilang ibinigay na ‘kickback’ sa mga opisyal ng gobyerno.
Ang impormasyon na ito ay kinalap ng ‘think tank’ na Reid Foundation mula sa mga contractor na sumasali sa mga proyekto ng gobyerno. Hindi nila sinabi kung sino ang mga ininterbyu nila. Ayon kay Ronilo Balbieran, vice president for operations ng Reid Foundation, sa paggawa ng accounting ng mga contractor sa mga proyekto ng gobyerno, naglalaan na sila ng 15% hanggang 35% sa kanilang badyet na nakalagay bilang ‘other costs’. Walang katiyakan kung saan gagamitin ito. Malamang ay walang resibo ang kailangan dito para sa kanilang accounting. Ito ay para kay ‘Korean’ o “Magkano Koryan”.
Mapusok at mabigat ang ulat ng Reid Foundation. Ito ay isang kalat na tsismis na walang gustong magsiwalat sa publiko dahil maaring mawalan ng negosyo ang kahit na sino mang kontraktor na magbubunyag nito.
Ang construction companies ay kailangang kumita kada proyekto ng 8-15% para masabi nilang bawi sila sa kanilang trabaho. Sa mga proyekto sa gobyerno, kung ano ang inaprubahan na badyet, hindi na maaring magdadag dito. Kaya naman sisiguraduhin ng mga kontraktor na makukuha nila ang kanilang kita at makapagbibigay sila ng ‘lagay’ sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno upang makasingil sila ng buo sa nasabing proyekto. Ang mahirap kasi rito ay kapag hindi mabilis na aksiyunan ng mga opisyal at empleyado ang pagpirma ng mga dokumento sa nasabing proyekto, maaring ma-delay ito na magreresulta sa dagdag gastos. Ito ay maaring lumagpas sa naprubahan na badyet. Malulugi ang kontraktor kung ganito ang mangyayari. Kaya nagreresulta ito ng paglalaan ng 15-35% na pondo para sa ‘pampadulas’ sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno.
Ayon sa Reid Foundation, napapanahon na upang mag-digital o online na ang lahat ng transaksiyon sa gobyerno. Mababawasan ang korupsiyon kung ito ay ipatutupad na. Sa katunayan, ang ating pamahalaan ay may ahensiya na Anti-Red Tape Authority (ARTA). Ito ay upang mapabilis ang pakikipagtransaksiyon sa ating gobyerno.
Tingnan natin kung tatanggapin ng mga kinauukulang ahensiya ng ating pamahalaan ang ulat ng Reid Foundation. Basta ang alam ko ayaw ni Pangulong Duterte ang mga korap na opisyal sa gobyerno.
Comments are closed.