(35 taon na namamayagpag) PANCIT LUGLOG NI MCDO-RAY

SA lasa at timpla, gaganahan ka talaga sa pancit-luglog na tiyak na mabubusog!

Isa lamang ito sa mga katangian ng pancit-luglog na dinarayo sa panulukan ng Sunrise Subd, Brgy Bagbag 2 at Marseilla Road sa bayan ng Rosario, Cavite.

Alas-tres pa lamang ng madaling-araw ay abala na sa paghahanda ng kanyang panindang pancit-luglog si Lola Teodora Medina, 82-anyos na mas kilala sa tawag na McDO-RAY.

Taong 1986 nang umusbong ang kainan na “McDO-RAY”, lokal bersyon ng sikat na fast food na McDO.

Tambayan at kainan ito ng mga estudyante noon na umaga pa lamang ay pila na ang mga tao sa pagbili ng masarap na pancit-luglog.

Masarap kasi itong agahan na katerno ng mainit na tinapay at kape.

Bahala ka na kung anong trip mong kainin, kung pancit na payat ba o yung pancit na mataba. Puwede rin naman pagsamahin at paghaluin na depende sa iyong panlasa.

Noong araw, ang pancit luglog ay nakabalot mula sa dahon ng saging ngunit sa paglipas ng panahon at kakulangan ng suplay na dahon ng saging ay binago na ito.

Nakabalot na lamang ito ngayon sa plastik na may kasamang brown paper.

Ayon kay Lola McDO-RAY, dati-rati sa halagang P3 ay makakakain ka na nang masarap na pancit luglog subalit dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin ay umabot na ito ngayon ng halagang P20 bawat balot.

Ang masarap na sarsa nito na may sikretong sangkap na hinaluan pa ng dinurog na tinapa at chicharron na nilagyan pa ng itlog na maalat ang siyang tunay na nagpapasarap sa pancit luglog ni Lola McDO-RAY.

Bukod pa sa masa­yang ngiti ni Lola McDO-RAY ay patunay na gustong-gusto nito ang kanyang ginagawa.

Ang pagdayo ng mga tao mula pa sa ibang barangay ang siyang higit na nagbibigay sigla sa kanyang katawan.

Dahil nangangahulugan lamang na masarap ang kanyang sikat na pancit luglog.

Kaya naman, pagsapit pa lang ng alas-8 ng umaga ay ubos na agad ang kanyang paninda.

Halagang P700 pataas ang kinikita ni Lola McDo-RAY sa tuwing makakaubos siya ng kanyang panindang pancit luglog.

Sikat si Lola McDO-RAY sa kanyang lugar at walang hindi nakakakilala sa kanya.

Kaya’t kung gustong mong dayuhin natin ang pancit luglog na masarap na, mura pa ay  hanapin lang si Lola McDO-RAY. SID SAMANIEGO