350K HOUSING UNITS ITATAYO NG DHSUD

MAGTATAYO ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Bicol ng 350,000 yunit ng pabahay sa anim na lalawigan sa rehiyon bilang bahagi ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH), ang pangunahing programa sa pabahay ng administrasyong Marcos.

Sa “Kapihan sa Bagong Pilipinas” na ginanap sa AVP Catering Services nitong Martes, Setyembre 24, ibinahagi ni DHSUD Bicol Regional Director Richard Manila na kasalukuyang isinasagawa na ang konstruksyon sa tatlong lugar sa lalawigan ng Albay at Camarines Sur kung saan 8,776 yunit ang pabahay dito.

“The 4PH program is part of our vision for a new Philippines, with the goal that ‘No Filipino will be without their own home in their own country” sabi ni Manila.

Kasama sa mga kasalukuyang proyekto ang 375 yunit na residential at komersyal sa Barangay Homapon, Legazpi City, 2,126 yunit sa Barangay San Antonio, Milaor at 6,275 yunit sa Barangay Concepcion, Naga City.

“We are highly optimistic and committed to this program. It is challenging, but once we complete even one project, it will encourage others to participate and benefit from the housing initiative. These ongoing projects will also serve as proof to those who are still unsure about the program’s potential” dagdag pa ni Manila.

Bukod dito, 12 pang proyekto sa pabahay sa ilalim ng 4PH ang nakahanda nang simulan ang konstruksyon na magdaragdag ng mahigit 24,000 bagong yunit.

Ang mga proyektong ito ay matatagpuan sa Malinao at Sto. Domingo sa Albay, Vinzons, Daet at Mercedes sa Camarines Norte, Buhi, Lungsod ng Naga at Pili sa Camarines Sur, Masbate City at Mobo sa Masbate at Castilla sa Sorsogon.

Kaugnay nito, binanggit ni Manila na 19 pang lokal na pamahalaan sa Bicol ang nagpahayag ng interes na sumali sa 4PH sa pamamagitan ng pagsusumite ng letters of intent.

RUBEN FUENTES