MAHIGIT sa 350,000 pamilya na low-income earners ang nakinabang sa Community Mortgage Program (CMP) ng Social Housing Finance Corporation (SHFC), ang ahensiya ng pamahalaan na nakatutok sa socialized housing simula pa noong 1988.
Ito ang ipinagmalaki ni Atty. Arnolfo Ricardo Cabling, pangulo ng SHFC sa ginanap na selebrasyon ng kanilang ika-16 anibersaryo at paglulunsad ng bagong pamamaraan kung paano makatutulong sa mga mahihirap na pamilya na mai-sakatuparan ang kanilang pinapangarap na sariling tahanan.
Sa nakalipas lamang na 2019, nakapagtala ang SHFC ng pinakamataas na natulungan na umabot naman sa 32,797 partner-homeowners sa pamamagitan ng housing loans na umaabot sa halagang P2.48 bilyon.
Ang naturang bilang ng partner-homeowners ay lalo pang lumaki sa patuloy na pagpupursige ng ahensiya sa kanilang mga programa na mabigyan ng maayos at disenteng tahanan ang hanay ng low-income earners na nagnanais magkaroon ng maituturing na sariling tahanan.
Samantala, nabatid na umakyat din sa P1.11 bilyon nitong 2019 ang koleksiyon ng SHFC o nasa 8 porsiyento ang inangat mula sa mga bayad ng beneficiaries.
Napalawak ang programang CMP bunsod na rin ng mga binuksang mga sangay ng SHFC sa iba’t ibang panig ng bansa gayundin ang maayos na pakikipagtulungan nito sa mga lokal na pamahalaan.
Inaasahan naman ng SHFC na ngayong 2020 ay mas madaragdagan ang kanilang matutulungang low income families para magkaroon ng sariling bahay bunsod ng simula ngayong Enero ay babawasan ang socialized interest rates o nasa 2 porsiyento na lamang sa buwanang amortisasyon sa mga nagnanais kumuha o mag-loan para sa kanilang mga kukuning lote, site development at konstruksiyon ng kanilang mga bahay. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.