350K PASAHERO NABAWAS SA NAIA

MIAA

TINATAYANG aabot sa 350,000 ang bilang ng mga pasahero na nabawas  sa  mga paliparan dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID 2019).

Sa press briefing sa Malakanyang  ay sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal na sa naturang bilang, 16 na porsiyento o 300,000 ang  international passengers habang tatlong  porsiyento naman o 50,000 sa mga ito ang local passengers.

Ayon kay Monreal, ang pagbaba ng bilang ng mga pasahero ay naitala mula Enero 25 hanggang Pebrero 17.

Pero tiwala si Monreal na ngayong inalis na ang travel ban sa Taiwan at partially lifted na rin ang travel ban sa Hongkong at  Macau, unti-unti nang makababangon ang mga nasa airline companies at inaasahang lalakas muli ang bilang ng padating at paalis ng mga pasahero sa iba’t ibang paliparan sa buong bansa.

Samantala, sinabi ni Monreal na pinag-aaralan pa ng MIAA at ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)  ang hirit ng airlines companies na alisin na ang runway fee para maitaguyod ang local tourism sa bansa.

Magugunita na nagpatupad ang Filipinas ng travel ban sa China, Hong Kong at Macau at maging sa Taiwan bunsod na rin ng kinatatakutang CO­VID-19. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.