354 OFWs MULA SA SAUDI NAPAUWI NG DOLE

Silvestre

UMABOT na sa 354 mga overseas Filipino workers (OFW) mula sa Saudi Arabia ang nakabalik sa Maynila nitong Miyerkoles sakay ng chartered flight na pinangasiwaan ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, inatasan niya ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ibigay ang lahat ng kinakailangang tulong para sa mga darating na OFW. Ang chartered flight na PAL PR655 ay dumating sa bansa nang 12:30 ng tanghali.

Sa ulat kay Bello, sinabi ni Labor Attache Nasser Mustafa na karamihan sa mga pasahero ay mga OFW mula sa Bahay Kalinga sa Philippine Overseas Labor Office sa Riyadh, at mula sa temporary shelter na pinamamahalaan ng POLO sa Eastern Region ng Saudi Arabia.

Ang repatriation ng mga OFW ay alinsunod sa hakbangin ng kagawaran upang magbigay ng tulong sa mga OFW na apektado ng COVID-19 pandemic.

“Kahit pa marami sa ating mga OFW ang apektado ng pandemic, umaasa kami na ang hakbangin namin upang sila ay mapauwi ay makabawas sa kanilang pasanin dahil makakasama na muli nila ang kani-kanilang mga pamilya at mahal sa buhay,” wika ni Bello.

Sinabi pa ni Bello na kabilang sa flight ang 12 manggagawa mula Jussur Emdad, 45 mula sa Arkad Co., kasama rito ang 14 na OFW na unang nagtrabaho sa Abdullah Aldossary, Azmeel Contracting Co., Rakan Trading, at lahat ay nakadestino sa Eastern Region ng Saudi Arabia.

Ang mga OFW ay kasama sa bilang ng mga nagtrabaho para sa Freyssinet, Jussur Emdad, Samana Company at Rent Human Resources at mga walk-in OFW na ang mga exit visa ay naiproseso ng labor office sa Riyadh, dagdag pa niya.

Ang hakbangin na ito ng DOLE ay kasama sa naitalang 111,400 mga napauwing OFW sa kani-kanilang mga probinsya. Binubuo naman ng huling batch ng mga OFW na mapapauwi ay ang 3,035 manggagawa na naihatid gamit ang mga bus ng OWWA at iba pang pamamaraan ng transportasyon nitong Lunes. PAUL ROLDAN 

Comments are closed.