INIULAT ng Department of Health (DOH) na umakyat na sa kabuuang 82,040 ang bilang ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na naitala nila sa bansa.
Sa case bulletin na inilabas ng DOH, nabatid na hanggang 4:00 PM ng Hulyo 27 ay nakapagtala ito ng 1,657 bagong kaso virus infection kabilang ang 756 ang fresh cases habang 901 naman ang late cases.
Karamihan ng mga bagong kaso ay mula pa rin sa National Capital Region (NCR) na umabot sa 1,017 new cases. Sinundan naman ito ng Laguna na may 89 new cases, Cavite na may 38 cases, Cebu at Rizal na kapwa may 31 cases.
Samantala, may 359 naman na bagong naitalang nakarekober mula sa virus kaya’t aabot na ngayon sa 26,446 ang kabuuang bilang ng gumaling mula sa COVID-19 sa bansa.
Kaugnay nito, iniulat ng DOH na may 16 naman ang naitalang nasawi dahil sa virus hanggang kahapon.
Ayon sa DOH, sa 16 na nasawi, 14 ay namatay ngayong Hulyo; isa noong Hunyo, at isa noong Mayo.
Walo sa mga nasawi ay mula sa Region 7; pito naman mula sa NCR; at isa ang mula sa Region 12.
Sa ngayon, umakyat na sa 1,945 ang COVID death toll sa Pilipinas.
Inulat naman ng DOH na may 65 silang inalis mula sa kabuuang bilang ng covid 19 cases sa bansa na kanilang iniulat. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.