MASA 3,593 estudyante mula sa mga pribadong eskuwelahan sa lungsod ng Pasay na kuwalipikado at bahagi ng “Travel Scholars” ang tumanggap ng kanilang financial assistance sa lokal na pamahalaan ng halagang P4,000.
Ang pamamahagi ng ayuda sa 3,593 benepisyaryo ng programang pang-edukasyon kabilang ang mga konsehal ng lungsod ay ginanap sa Cuneta Astrodome nitong Huwebes.
Sa mga estudyanteng napagkalooban ng ayuda, 1,617 dito ay nag-aaral sa pribadong eskuwelahan sa Distrito 1 habang 1,976 estudyante naman na nag-aaral sa District 2 ang tumanggap ng P4,000 bawat isa na bahagi ng administrasyon na HELP (Health and Housing; Education, Economic Growth and Environment; Livelihood and Lifestyle; Peace and Order; Palengke at Pamilya) na isang prayoridad na agenda ng lungsod.
Ayon sa Public Information Office (PIO), ang mga estudyante na nag-aaral sa elementarya at high school ay makatatanggap ng P4,000 bawat isa sa kanilang pag-eenrol habang ang mga estudyante naman ng kolehiyo ay makatatanggap din ng P4,000 kada semester.
Ang financial assistance na ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan sa mga estudyante ng lungsod ay makatutulong sa mga pangangailangan sa kanilang pag-aaral. MARIVIC FERNANDEZ