CAMP CRAME – ITATAAS ng Philippine National Police (PNP) ang full alert status sa Lunes, Oktubre 28 bilang paghahanda para sa papalapit na paggunita ng Undas o Araw ng mga Patay sa Nobyembre 1.
Ayon kay PNP Spokesman P/BGen. Bernard Banac, 35,000 pulis ang kanilang ipakakalat sa buong bansa upang tiyakin ang seguridad partikular na sa mga terminal ng bus, paliparan, pantalan, pamilihan, simbahan, sementeryo at iba pa.
Bukod sa mga ipinakalat na pulis, 1,000 force multipliers na binubuo ng mga barangay tanod, Bantay Bayan at medical volunteers gayundin ang fire and rescue ang tutulong sa pagtiyak nang mahigpit na seguridad.
Umaapela naman ang PNP sa publiko na hangga’t maaari ay huwag magsuot ng mga mamahaling alahas o kaya’y magdala ng malaking halaga ng salapi sa kanilang pagbiyahe patungo sa mga lalawigan at mga sementeryo.
May mga ilalagay ring mga police assistance desk at ipakakalat na mga road marshall sa mga pangunahing kalsada sa bansa para magbigay alalay sa mga biyahero’t motorista sa sandaling kailanganin ng mga ito ng tulong. REA SARMIENTO
Comments are closed.