35K TNVS, TAXIS BALIK-PASADA; WALANG TAAS-PASAHE, CASHLESS PAYMENT

TNVS-2

MAHIGIT sa 35,000 units ng Transport Network Vehicle Services (TNVS) at taxis ang pinayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mag-operate sa Metro Manila.

Ayon sa LTFRB, hanggang noong. Hunyo 11 ay may kabuuang 35,514 units na binubuo ng 18,813 TNVS at 16,701 taxis ang pinayagang pumasada sa National Capital Region (NCR).

“Ang pagbabalik ng mga taxi at Transport Network Vehicle Services (TNVS) unit na mula sa iba’t ibang Transport Network Companies (TNCs) ay alinsunod sa Memorandum Circular (MC) 2020-018 o ang ‘Guidelines for the Operations of Taxis and TNVS during the Period of GCQ’,” pahayag ng ahensiya.

“Sa pagbalik-operasyon, ipinagbibigayalam ng ahensiya na walang taas-pasahe para sa mga aprubadong taxi at TNVS units, at cashless na transaksiyon lamang ang papayagan bilang paraan ng pagbabayad,” anang LTFRB. Paalala ng ahensiya, ang mga pasaherong sasakay ng TNVS at taxis ay kinakailangang magsuot ng face masks sa lahat ng pagkakataon.

“Ipinapaalala ng LTFRB sa mga operator at drayber ng mga taxi at TNVS na sundin ang mga protocol na nakalagay sa MC 2020-018 upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, tulad ng pagsusuot ng face mask at gloves, paglilinis at pag-disinfect ng kanya-kanyang unit bago at pagtapos ng kada biyahe o kada dalawang oras, paglalagay ng harang gawa sa nonpermeable at transparent na materyales, at pagsunod sa passenger seating capacity na batay sa guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at ng Kagawaran ng Transportasyon,” sabi pa ng public land transport regulator.

Comments are closed.