36 CHINESE MULA MACAU HINARANG SA NAIA

PARAÑAQUE CITY – HINDI pinayagang makapasok sa bansa ng tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang 36 Chinese nationals na galing sa Macau makaraang lumapag  sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang  kanilang sinasakyang eroplano noong Biyernes.

Ang hakbang ng BI ay bahagi ng pagtupad sa travel ban laban sa mga manggagaling sa Macau, China at Hong Kong bunsod ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD).

Ayon kay Grifton Medina, pinuno ng BI port operations division, hindi pinayagang makapasok ang mga pasaherong Chinese sa NAIA Terminal 1 lulan ng Philippine Airlines flight mula sa Phnom Penh, Cambodia.

Sa inspeksiyon, napag-alaman aniya ng mga opisyal ng ahensya na bumiyahe ang grupo sa Macau noong Pebrero 1.

Dinala aniya ang 36 dayuhan sa Bureau of Quarantine para sa inspeksiyon at pinabalik sa Phnom Penh.

Muli namang umapela si BI commissioner Jaime Morente sa mga airline at shipping company na makipagtulungan sa pagpapatupad ng travel ban.

Samantala, sinabi ng BI na kapwa mga dayuhan at Filipinong pasahero ay kinakailangan nang mag-fill out at magsumite ng arrival cards habang sumasailalim sa immigration arrival formalities.

Magsasagawa na rin ng masusing screening application ang Immigration Regulation Division ng BI para sa pagpapalawig ng pananatili ng mga dayuhan sa bansa upang matukoy kung sila ay nagtungo sa China, Hongkong at Macau 14 araw bago dumating sa Filipinas. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM