36 DRUG SUSPECTS TIMBOG SA BUY BUST OPERATIONS

Drug suspects

LAGUNA – Timbog sa ikinasang magkakahiwalay na Anti-Illegal Drugs Operation (Buy Bust) ng pinagsanib na kagawad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at City and Municipal Drug Enforcement Unit (DEU) ang 36 na drug suspects sa loob ng tatlong araw sa lalawigang ito.

Ayon sa ulat ni Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta kay Calabarzon-PNP Director PBGen. Edward Carranza, sinasabing ikinasa ng nabanggit na operatiba ang naturang operasyon kaugnay ng 24 hour drug buy bust operation sa lalawigan.

Base sa isinumiteng ulat ni Laguna-PNP Public Information Officer (PIO) PMaj. Jojo Sabeniano kay Matta, lumilitaw na nagkasa ng magka-kahiwalay na 31 police operations mula noong nakaraang araw ng Huwebes na kinabibilangan ng buy bust, search warrant, warrant of arrest at police response kasunod ang matagumpay na pagkakaaresto sa maraming bilang ng mga suspek.

Sa talaan, napag-alaman na 32 sa mga ito ang kilalang tulak ng droga, habang apat sa mga ito ang users.

Pito sa mga ito ang naaresto sa lungsod ng Calamba, 6 sa Biñan, 5 sa Sta. Rosa, 4 sa San Pablo City, 5 sa Siniloan, 3 sa Sta. Cruz, habang isa sa lungsod ng Cabuyao at San Pedro, bayan ng Kalayaan, Nagcarlan, Pakil, at Victoria.

Umaabot sa 111 small sachets ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa mga suspek na may kabuuang 38.6 gramo at street value na umaabot sa halagang P179,740.

Kaugnay nito, patuloy pa rin aniya ang isinasagawang maigting na kampanya ng mga tauhan ni Matta laban sa ilegal na droga sa lalawigan kabilang ang isinasagawang Drug Abuse Resistance Education (DARE) sa mga paaralan, barangay at iba pang lugar para tuluyang mapangalagaan ang seguridad ng lahat ng mamamayan. DICK GARAY

Comments are closed.