ZAMBOANGA CITY- SUGATAN ang 36 na mga pasahero nang mabangga ng isang pampasaherong barko ang pantalan sa lalawigang ito.
Agad namang nirespondehan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang insidente na kinasangkutan ng MV Ciara Joie 2 sa karagatang sakop ng Pasio Del Mar, Zamboanga City.
Ang MV Ciara Joie 2 na may kapasidad na 266 pasahero ay nakaranas ng main engine shutdown at nawalan ng kontrol sa crew.
Ayon sa PCG, tumama ang barko sa pantalan habang dumadaong sa B27 B Paniran Marginal Wharf na kalaunan ay pinasok na ng tubig dagat ang barko.
May kabuuang 36 na pasahero ang nasugatan kung saan dalawa sa kanila ang dinala sa pinakamalapit na ospital para malapatan ng lunas.
Umalis ang barko sa Isabela City, Basilan patungong Zamboanga City nang mangyari ang insidente.
Ayon sa Coast Guard Station (CGS) Zamboanga, naghain ng marine protest ang master ng distressed vessel.
“It will not resume voyage until deemed seaworthy, as supported by MARINA’s certificate of seaworthiness,” sabi ni CGS Zamboanga.
EVELYN GARCIA