KINAILANGAN ng University of the Philippines ng malakas na pagpapakita sa nakalipas na dalawang araw upang tapusin ang 36-year title drought sa men’s division ng UAAP Season 81 athletics championships kahapon sa Philsports oval.
Naghahabol ng 39 points papasok sa midway point ng five-day competition, sumandal ang Fighting Maroons sa 1-2-3 finish sa 400-meter hurdles, podium sweep sa 800-meter run, at gold medals sa 4×100-meter relay at sa discus throw upang kunin ang trangko noong Sabado at hindi na lumingon pa.
May 426 points, tinapos ng UP ang walong taong paghahari ng Far Eastern University. Ang Morayta-based squad ay may 262 points sa second place, habang pumangatlo ang University of the East na may 185 points.
Dahil dito ay inangkin ng Maroons ang kanilang ika-19 kampeonato sa kabuuan, at una magmula noong 1981-82 season.
Sa kanyang ika-4 na taon sa UP, natupad ni coach Rio dela Cruz ang misyon ng eskuwelahan na muling maging hari ng track and field.
“Well, bago ako pumasok, ‘yung pagpili ng head coach, eh isa ito sa ibinigay kong goal sa kanila na after siguro three to four years, ‘yung ina-achieve namin, gusto namin maging champion,” wika ni Dela Cruz, na naging instrumento sa pagbuhay sa athletics program ng Maroons.
“We are very happy na natupad namin. Hindi ko ma-explain ‘yung pakiramdam. Talagang iba itong achievement na ito.”
Nadominahan naman ng University of Santo Tomas ang women’s division sa ika-5 sunod na taon na may 338 points kung saan tinalo nito ang FEU ng 11 points lamang sa hotly-contested duel para sa korona. Nakalikom ang UP ng 203 points sa third spot.