37 LUGAR SA ZAMBOANGA PENINSULA BINAHA

ZAMBOANGA PENINSULA-DAHIL sa matinding pag-ulan bunsod ng low-pressure area, 37 pang barangay sa Zamboanga peninsula ang binaha, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) regional office.

Sinabi ni OCD regional director Ramon Ochotorena na ang 16 barangay ay mula sa Zamboanga Sibugay, pito sa Zamboanga del Norte at 11 sa Zamboanga del Sur habang tatlo sa lungsod.

Nabatid na tatlong landslides naman ang naitala sa Zamboanga Sibugay habang wala namang naiulat na nasaktan.

Dahil dito, agad namang nag-deploy ng mga tauhan ng local Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) si Ochotorena para isalba ang mga taong nasa critical areas.

Aniya, sa inisyal na ulat, mayroong 2,000 households ang apektado ng flash floods.

Sa Davao, pinaalalahanan ng city DRRMO ang mga residente hinggil sa pagtaas ng baha dahil sa patuloy na malakas na pag-ulan sa kanilang lugar. EUNICE CELARIO