37 POSITIVE SA COVID-19 SA PMA

TINIYAK ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines na ginagawa nila ang lahat para tuluyang makontrol at hindi na kumalat ang coronavirus sa loob ng Philippine Military Academy (PMA) matapos lumabas ang ulat na umaabot na sa 37 ang COVID-19 positive sa loob ng akademiya.

Inatasan ni AFP chief of Staff Gen. Gilbert Gapay si PMA Superintendent Maj. Gen. Ferdinand Cartojano na gawin ang lahat upang matiyak na ligtas at hindi na kakalat pa ang coronavirus sa loob ng PMA ground partikular sa hanay ng mga kadete.

Patuloy ang ginagawa nilang mga hakbangin at mahigpit na health security protocols sa loob ng PMA bukod pa sa pakikipag-ugnayan sa mga health officer ng Baguio City.

Mabilis na kumalat ang balitang nakalusot ang coronavirus disease sa matibay na depensa ng PMA sa likod ng hard lockdown na ipinatupad simula pa sa buwan ng Pebrero para pangalagaan ang mga kadete sa pandemiya.

Ayon sa ulat, sa isinagawang halos 400 test sa loob ng military campus ng Fort del Pilar noong Disyembre 16 hanggang Disyembre 18, 2020 ay tatlo ang nagpositibo sa virus subalit nitong Sabado ay umakyat ang bilang ng infections sa 37.

Hindi tinukoy kung mga kadete, sundalo, guro o kaanak ng mga enlisted PMA personnel ang mga bagong nagpositibo.

Ilan umano sa mga pasyente ay nasa pagitan ng edad na 19 at 22.

Nabatid na tuloy pa rin ang training and classroom routines ng mga kadete habang sinusunod ang social distancing protocols at pagsusuot ng face masks. Maging ang classroom activities ay ginagawa na online ng mga instructor na nasa bahay.

“The world stopped turning when the disease struck … it changed our daily lives, it changed how we value life because it took lives in an instant. The virus changed how we all struggle for our nation,” ani Cartojano.

Nalantad na may mga nagpositibo sa PMA makaraang ilabas ng Baguio City Health Services Office noong Disyembre 31 ang kanilang daily COVID-19 monitoring bulletin at lumabas na may 13 ang naitalang nagmula sa Fort del Pilar at may mga edad na 19 hanggang 24 taong gulang.

May isang lalaki na may edad na 39 anyos ang natunton dahil nitong Enero 1 ay may nadagdag pa na 24 residente ng Fort del Pilar ang lumitaw na kabilang sa positive COVID-19 cases. Apat na lalaki ang may edad na 30, 35, 42 at 59. Ang iba naman ay may edad na mula 19 hanggang 23. Tatlo rito ay mga babae na may edad na 19 hanggang 21. VERLIN RUIZ

Comments are closed.