INIULAT ng Department of Health (DOH) na umaabot na sa mahigit 370,000 dengue cases ang naitatala nila sa bansa ngayong taon at sa naturang bilang mahigit 1,400 ang binawian ng buhay.
Sa pinakahuling datos ng DOH-Epidemiology Bureau (EB), nabatid na mula Enero 1 hanggang Oktubre 19, 2019 ay pumalo na sa 371,717 ang dengue cases na kanilang naitala, kabilang dito ang 1,407 na pasyente na binawian ng buhay.
Sinabi ng DOH na ang naturang bilang ay mahigit pa sa doble nang naitala nilang 180,072 dengue cases at 927 dengue deaths noong 2018.
Nabatid na mahigit 80,000 naman ng mga pasyente ngayong taon ay mga batang nasa pagitan ng lima hanggang siyam na taong gulang lamang.
Matatandaang una nang nagdeklara ang DOH ng national dengue epidemic sa bansa kamakailan dahil na rin sa biglaang paglobo ng mga pasyenteng dinadapuan ng sakit.
Inianunsiyo naman ng DOH na nakapagtala na sila nang pagbaba ng dengue cases nitong Oktubre ngunit hindi pa rin anila ito dahilan upang magpabaya at balewalain ng mga mamamayan ang karamdaman na nakukuha sa kagat ng lamok.
Batay sa datos, mula Oktubre 13 hanggang 19 ay umabot lamang sa 5,927 bagong dengue cases ang naitala nila, na 23 porsiyentong mas mababa kumpara sa 7,656 kaso na naitala nila sa kahalintulad na panahon noong 2018.
Bumaba rin ang bilang ng dengue deaths sa naturang mga petsa na umabot lamang sa 20, kumpara sa 40 namatay noong nakaraang taon.
Ayon naman kay Health Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo, trend naman na bumababa ang kaso ng dengue tuwing matatapos na ang taon, ngunit dahil sa climate change at patuloy na mga pag-ulan ay asahan nang may dadapuan pa rin ng sakit.
Paalala pa ni Domingo, ang dengue ay isa na ngayong year-round disease kaya’t dapat na manatiling vigilante ang lahat upang hindi dapuan nito.
Pinayuhan din niya ang publiko na panatilihing malinis ang paligid upang walang pamahayan ang mga lamok.
Sakali namang makaranas ng mataas na lagnat at makitaan ng sintomas ng sakit ay huwag nang magdalawang-isip pang kumonsulta sa doktor. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.