373 PINOY SA SINALAKAY NA POGO HUB PINALAYA

KINUMPIRMA ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Usec. Gilbert Cruz na pinalaya nila ang 373 Pinoy na kabilang sa halos 900 na naisalba nang salakayin ang isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban, Tarlac.

Ayon kay Cruz, ang mga pinalaya ay hindi direktang sangkot sa operasyon ng POGO sa umano’y pambubudol o scamming.

“Just this morning, napag-alaman namin na hindi kasama sa scamming dahil they worked as kitchen personnel, security, ni-release natin, may natitira na mga Pilipino na involve sa pagpapatakbo nitong scamming hub na ito and ‘yung foreigner na nandito,” ayon kay Cruz.

Ang pagsalakay sa POGO hub sa Barangay Anupul sa nasabing lugar ay kasunod ng natanggap na liham ng PAOCC mula sa Vietnamese Embassy at Malaysian Embassy kung saan nagpapasaklolo ang kanilang kababayan na inaapi sa nasabing POGO hub.

“Nag-ugat ang raid dahil sa reklamo ng isang Vietnamese company na mayroon daw po na dapat i-rescue na Vietnamese sa banban, so umaksyon kami, ni rescue isang Vietnamese nag-confess siya kung ano pinagagawa sa kanya, tinortoture. sumulat din ang malaysian embassy na may kaparehong reklamo, “ani Cruz.

Sa kabuuang bilang, ang nananatiling nakakulong ay ang 432 Chinese, 57 Vietnamese, walong Malaysian, tatlong Taiwanese, dalawang Indonesian at dalawang Rwandan.

Dagdag pa ng retired police general, modus ng operasyon ng POGO hub operator na kunin ang passport ng mga dayuhang worker at mayroong quota sa kanila umanong pang-i-scam at kapag hindi nakapag-deliver ay sinasaktan. EUNICE CELARIO