(375 ang sugatan) 10 NA ANG NASAWI SA M7 NA LINDOL

UMAKYAT na sampu ang naitalang nasawi ng National Disaster Risk Reduction Management Council bunsod ng naganap na magnitude 7.0 earthquake sa hilagang Luzon na ikinasugat din ng may 375 katao nitong nakaraang Miyerkules.

Ito ay makaraang madagdag ang apat katao na kabilang sa mga missing person na natabunan sa naganap na pag guho ng lupa sa Abra.

Nitong nakalipas na Linggo ay naibalik na sa kani-kanilang lugar ang labi ng apat na lalaking natabunan sa nangyaring landslide dahil sa lindol sa Luba, Abra.

Nitong Biyernes lang narekober ang bangkay ng mga biktima na gumagawa sa covered court nang mangyari ang trahedya.

Batay sa ulat na inilabas ng NDRRMC kahapon ng umaga, bukod sa 10 nasawi, nakapagtala rin ng 375 katao na nasugatan kung saan karamihan dito ay mga babae na nasa 25 hanggang 60-anyos.

Gayundin, nasa mahigit 314,000 indibidwal mula sa tatlong rehiyon ang apektado ng malakas na lindol.

Ayon kay NDRRMC Executive Director USec. Ricardo Jalad nasa 34,291 katao ang na-displaced, nasa mahigit 3,800 ang nananatili sa 42 evacuation centers.

Iniulat din ng ahensiya na nasa 21,890 kabahayan ang nasira kung saan karamihan dito ay partially damaged.

Sa ngayon nasa 43 roads at pitong tulay ang nasira subalit 84 percent na sa mga ito ay passable na sa lahat ng mga sasakyan.

Ang 48 na bayan at siyudad na nawalan ng power supply matapos ang malakas na lindol ay mayroon ng electricity.

Nasa 27 na mga lugar ang isinailalim ngayon sa state of calamity.

Umabot na rin sa P414.2 milyon ang pinsala na naitala sa imprastraktura.

Nasa P11.6 milyon na halaga ng tulong ang naipamahagi na nang gobyerno. VERLIN RUIZ