NAITALA na kahapon ng Department of Health (DOH) ang unang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus (nCoV) sa Filipinas.
Sa isang pulong balitaan dakong 4:00 ng hapon, kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III na isang 38-taong gulang na babaeng Chinese national mula sa Wuhan, China ang nagpositibo sa nCoV.
Dumating sa bansa ang pasyente noong Enero 21 pa via Hong Kong at nagpakonsulta sa isa sa mga government hospitals Enero 25 matapos na makaranas ng bahagyang ubo.
Sa kasalukuyan ay asymptomatic pa ang pasyente na nangangahulugang wala siyang lagnat, at hindi rin kakikitaan ng anumang mga sintomas ng sakit.
Ayon naman kay Director Chito Avelino ng Epidemiology Bureau ng DOH, nagsasagawa na sila ng contact tracing at tinutunton ang mga taong nagkaroon ng close contact sa pasyente upang alamin kung may mga nahawaan din sila ng virus.
Mahigpit na rin nilang binabantayan ang mga kasama ng pasyente na dumating sa bansa.
Nag-request na rin sila ng detalye ng biyahe ng biktima mula sa flight carrier nito at inaalam na rin kung saan-saang lugar ito pumunta.
Sa kabila naman nito, tiniyak ni Duque na kontrolado ng DOH ang sitwasyon at walang dapat ikabahala ang publiko dahil ginagawa nila ang lahat upang hindi kumalat ang virus sa bansa.
Nakatakda rin silang magpulong ngayong Biyernes, Enero 31, upang talakayin ang mga dapat gawin ngayong may kumpirmado ng kaso ng nCoV infection ang Filipinas, gayundin ang mga development sa mga naturang kaganapan.
Patuloy ring nanawagan si Duque sa publiko na patuloy na maging mahinahon at vigilante sa harap ng kumpirmasyon na nakapasok na sa bansa ang nCoV virus.
“The DOH however continues to guarantee the public that all necessary precautionary measures are being taken to halt the spread of the virus,” anang kalihim. “I assure the public that the DOH is on top of this evolving situation,” aniya pa.
“We were able to detect the first confirmed case because of our strong surveillance system, close coordination with the World Health Organization (WHO) and other national agencies,” pagtiyak pa niya. “We are working closely with the hospital where the patient is admitted and have activated the incident command system of the said hospital for appropriate management specifically on infection control, case management and containment. We are also implementing measures to protect the health staff providing care to these patients.”
Samantala, iniulat din ni Duque na sa kasalukuyan ay mayroon na silang 29 persons under investigation (PUI) na natukoy.
Ang 23 aniya sa mga ito ay naka-admit pa sa iba’t ibang pagamutan, may lima na ring na-discharged na ngunit under strict monitoring pa rin.
Isa sa mga PUIs, na isang Chinese national mula sa Yunnan, China, ay iniulat na rin na namatay na habang nilulunasan sa San Lazaro Hospital, bagamat kinukumpirma pa kung may nCoV infection din ito, matapos na maiulat na nasawi ito sa pneumonia at positibo rin sa human immunodeficiency virus (HIV). ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.