(38 katao nawawala) 1.2M INDIBIDUWAL APEKTADO NG 3 BAGYO

LUMOBO pa ang bilang ng mga indibidwal na apektado ng nagdaang bagyong Fer­die, Gener, Helen at habagat sa bansa habang nasa 38 katao ang pinangangambahang nasawi at nawawala.

Sa ibinahaging re­port sa NDRRMC ng DSWD, sinabi  na umaabot na sa 356,000 na pamilya o katumbas ng 1.2 milyong indibidwal ang nakaranas ng mga insidente ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Samantalang 23 ang naiulat na nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng mga Bagyong Ferdie, Gener at Helen.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 9 dito ay mula sa MIMAROPA, apat sa Region 6, BARMM at Region 9 at dalawa mula sa Region 7.

Nakapagtala rin ng 13 sugatan at 15 na nawawala.

Halos 300,000 pa­milya ang apektadong ng sama ng panahon mula sa 1,441 na mga bara­ngays sa 13 rehiyon sa bansa sa pananalasa ng tatlong bagyo.

Sa nasabing bilang, 69,360 katao ang nananatili sa 634  evacuation centers habang nasa 61,000 mahigit na mga indibidwal ang mas piniling makitira sa kani-kanilang mga kamag-anak o manatili sa kanilang mga tahanan.

Sa ngayon, nasa mahigit P17 milyon na tulong mula sa pamahalaan ang naipamahagi sa mga apektadong indibidwal.

VERLIN RUIZ