38 PA POSITIVE SA VIRUS (Mga close contact ng nahawahan ng 13 UK variant )

NASA 38 pang close contacts ng 13 COVID-19 cases, na infected ng UK variant ng coronavirus, ang nagpositibo na rin sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, ang 34 sa mga bagong pasyente ng virus ay naging close contact ng 12 UK COVID-19 variant cases na mula sa Bontoc, Mountain Province.

Sinabi ni Vergeire na isang taga-Bontoc na nagnegatibo sa virus pagdating noong Disyembre 13 ang umuwi sa kanilang lalawigan noong Disyembre 14.

Aniya, pagsapit ng Disyembre 25, Pasko, ay nagkaroon sila ng pagdiriwang at noong Disyembre 26 naman ay nagkaroon sila ng ritwal na bahagi ng kanilang paniniwala. Disyembre 29 na nang makitaan ang pasyente ng sintomas ng virus.

Nabatid na 144 close contacts ng pasyente ang natukoy ng DOH at 116 na sa kanila ang nasuri laban sa virus.

Samantala, ang apat na iba pang bagong kaso ng UK variant ay nahawa naman ng sakit sa isang kaanak nilang COVID-19 patient na mula sa La Trinidad, Benguet.

Paglilinaw naman ni Vergeire, bagamat mas madaling makahawa ang UK variant ng coronavirus ay hindi naman nangangahulugan na mas malala ito.

Nilinaw naman ni Dr. Edsel Salvana, direktor ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology sa UP National Institutes of Health, na wala pa ring ebidensiya na ang B.1.1.7 variant ay mas deadly o mas nakamamatay.

Sa pinakahuling datos ng DOH, umaabot na sa halos 514,000 ang COVID-19 cases na naitatala nila sa bansa at sa naturang bilang, halos 476,000 na ang nakarekober at nasa mahigit 10,240 na ang binawian ng buhay. Nasa halos 28,000 pa rin naman ang bilang ng mga aktibong kaso ng sakit sa ngayon.

Samantala, ang COVID-19 patient naman mula sa La Trinidad, Benguet na infected din ng UK variant ay natuklasang nakapanghawa ng virus sa apat niyang kasambahay.

Sa kasalukuyan ay limang barangay na sa Bontoc ang naka-lockdown at nasa ilalim ng istriktong quarantine dahil sa banta ng COVID-19 UK variant, kabilang dito ang Tocucan, Bontoc Ili, Caluttit, Poblacion, at Samoki. Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.