38,646 OFWs NEGATIBO SA COVID-19

Covid result

UMABOT SA 38,646 Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nag-negatibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Ito ang inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos lumabas ang resulta ng isinagawang RT-PCT  test  sa mga  OFW.

Alinsunod ito sa ipinatutupad na health protocol na kinakailangang sumailalim muna sa COVID test ang mga umuuwing OFWs bago payagang makauwi sa kani-kanilang pamilya.

Isinagawa ng Sub-Task Group for the Repatriation of OFWs ang nasabing swab test hanggang kahapon, Agosto 22.

Ayon sa PCG, kabilang sa datos ang mga Returning Overseas Filipino (ROF).

Gayundin, bukod pa ang nasabing bilang sa naitalang 54,073  ROFs na negatibo sa nakakahawang sakit mula Hulyo 8 hanggang 30.

Kasabay nito, inilabas din ng PCG ang listahan ng negative RT-PCR test results ng 7,490 non-PCG lab IDs or barcodes na na-transmit ng Philippine Red Cross (PRC).

Maglalabas ang PRC ng quarantine certificates sa ROFs na makakakumpleto ng mandatory facility-based quarantine at nagnegatibo sa nakakahawang sakit base sa kanilang swab test result. LIZA SORIANO

Comments are closed.