388 PA GUMALING SA COVID-19

Covid-19 patient

PUMALO na sa mahi­git 85,000 ang naitalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, may dalawang araw pa bago matapos ang buwan ng Hulyo.

Nauna rito, nagbabala ang ilang UP experts na aabot ng 85,000 ang COVID-19 cases sa bansa pagsapit ng katapusan ng buwan.

Batay sa case bulletin na inilabas ng Department of Health (DOH), nabatid na umakyat na sa 85,486 ang kabuuang bilang ng COVID-19 infections sa Filipinas matapos na makapagtala pa ng karagdagang 1,874 na mga bagong kaso ng sakit hanggang alas-4:00 ng hapon nitong Hulyo 29.

Karamihan sa mga bagong kaso ay mula pa rin sa National Capital Region (NCR) na umabot sa 728 new cases; Cebu na may 325 new cases; Laguna na may 130 new cases, Iloilo na may 67 new cases, at Rizal na may 53 new cases.

Samantala, may 388 naman na bagong naitalang nakarekober mula sa virus kaya’t umaabot na ngayon sa 26,996 ang total COVID-19 recoveries sa bansa.

Iniulat din  ng DOH na may 16 pasyente pa silang naitalang nasawi dahil sa virus kaya’t umakyat na sa 1,962 ang COVID-19 death toll sa bansa.

Ayon sa DOH, sa 16 na nasawi, anim ang namatay ngayong Hulyo; anim din noong Hunyo; tatlo noong Mayo at isa noong Marso ngunit ngayon lamang naiulat sa kanilang tanggapan.

Ayon sa DOH, kabilang sa mga nasawi ay isang pitong buwang gulang na sanggol. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.