NAKAPAGTALA ang Department of Health (DOH) ng 38,075 pasyente na bagong naitalang nakarekober mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa case bulletin na inilabas ng DOH dakong 7:30 ng gabi, ito na ang pinakamataas na bilang ng COVID-19 recoveries na naitala nila simula nang mag-umpisang manalasa ang virus.
Dahil dito, aabot na ngayon sa 65,064 ang kabuuang bilang ng nakarekober mula sa COVID-19 sa bansa.
Samantala, umakyat na rin sa 89,374 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng virus sa bansa matapos makapagtala ang DOH ng 3,954 na mga bagong kaso ng virus infection hanggang alas-4:00 ng hapon nitong Hulyo 30.
Sa naturang bilang, 1,320 ang fresh cases habang 2,634 ang late cases.
Mayorya ng mga bagong kaso ay mula pa rin sa National Capital Region (NCR) na umabot sa 1,703 new cases.
Sinundan naman ito ng Cebu na may 958 new cases, Laguna na may 177 new cases, Rizal na may 90 new cases, at Cavite na may 87 new cases.
May 23 rin naman ang naitalang nasawi dahil sa virus.
Ayon sa DOH, sa 23 na nasawi, 19 ang namatay ngayong Hulyo, tatlo naman noong Hunyo, at isa noong Abril.
Sa ngayon, umakyat na sa 1,983 ang COVID-19 death toll sa Filipinas. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.