UMABOT sa 39 container vans ang ikinonvert ng lokal na pamahalaan ng Parañaque bilang isolation facilities para sa COVID-19 patients para sa dalawang barangay.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, ang bawat 40-footer na container vans ay hinati sa apat na silid at naaayon sa guidelines at rekomendasyon ng Department of Health (DOH) kung saan may sapat na bentilasyon, sariling palikuran.
Bukod sa container van facilities, naglagay din ng tig-isang container vans sa dalawang barangay na gagamitin naman ng medical frontliners
Nabatid din na may 60 kuwarto ang 15 container vans na itinayo sa bakanteng lote sa harap ng Paranaque City College (PCC) sa Coastal Road at Kabihasnan Road, Barangay San Dionisio.
Ang natitirang 24 container vans naman na may kabuuang 96 isolation rooms ay ilalagay sa isa ring bakanteng lote sa tapat ng dating popular na entertainment bar sa Sucat Road na magsisilbing mobile hospitals para sa mga pasyente ng COVID-19.
Sa kasalukuyan, may walong isolation facilities na kinabibilangan ng isang ospital na pinangangalagaan ng lungsod at pitong gusali sa iba’t-ibang public elementary school na nagsimulang tumanggap ng mga pasyente may limang buwan na ang nakalipas.
Magsisimula ang operasyon ng nabanggit na quarantine facility sa Setyembre kung saan mayroon itong kapasidad na 525 kama at ang mga tatanggapin dito ay may mga mild at asymptomatic na pasyente lamang. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.