39 ISNABERONG CAB DRIVER HULI NG PNP-HPG

Taxi

CAMP CRAME – NAKAHULI ang mga tauhan ng Philippine National Police- Highway Patrol Group (PNP-HPG)  ng 39 taxi driver  sa  iba’t ibang bahagi ng Metro Manila matapos na mang-isnab ng pasahero ngayong holiday season.

Ito ang kinumpirma ni PNP HPG Director Brig. Gen. Dionardo Carlos.

Aniya, simula Disyembre 19, nang magsimula silang manghuli ng mga isnaberong drayber dito sa NCR.

Habang iniutos na rin ni Carlos sa kanyang mga tauhan sa Davao at Cebu ang panghuhuli rin ng mga isnaberong drayber simula Disyembre 30, 2019.

Magtatapos aniya ang panghuhuli ng mga isnaberong drayber hanggang sa Enero 3.

Ginagawa nila ang pang­huhuli bilang katuwang ng Land Transportation Frachising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagpapaigting ng pagpapatupad ng Oplan Isnabero.

Una rito ay binuhay ng LTFRB ang Oplan Isnabero ngayong holiday season para protektahan ang mga pasahero mula sa mga mapili at nang-iisnab na driver ng taxi.

Pahayag ni Carlos, ang mga nahuling driver ay magmumulta ng P5,000 sa unang paglabag, P10,000 sa pangalawang paglabag, at P15,000 sa pangatlong paglabag at kasunod na paglabag ay kanselasyon na ng kanilang prangkisa. REA SARMIENTO 

Comments are closed.