39K DISASTER RESPONSE TEAM NG PNP IDINEPLOY

BUKOD sa Humanitarian Assistance and Disaster Response, tinututukan din ng Philippine National Police (PNP) ang epekto ng Bagyong Betty kaugnay sa peace and order kaya maagang idineploy ang kanilang disaster response team.

Nabatid na umaabot na sa 39,021 miyembro ng PNP ang naka- prepositioned na bago pa ang paghagupit ng Bagyong Betty.

Ayon sa datos ng pambansang pulis nasa 4,650 trained personnel ng PNP-Water Search and Rescue (WASAR) team at 7,371 trained personnel para sa Search and Rescue (SAR) ang kanilang ikinalat kaugnay sa inaasahang paghagupit ng Bagyong Betty sa ilang rehiyon sa bansa.

Inihayag ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., nagpakalat na rin sila ng iba’t ibang equipment tulad ng 8,806 life vest, 77 SAR boats, at 1,730 units SAR equipment vehicles na binubuo ng 1,496 personnel carriers, 234 units ng troop carrier at 625 portable electric generator sets.

Sinabi pa ni Acorda, ang mga ito ay partikular na ipapakalat sa Regions 1, 2, 3, Cordillera Administrative Region, Western Visayas, MIMAROPA, at CALABARZON.

Bago ito ay nag deploy din ang PNP ng 27,000 police disaster response personnel sa buong bansa upang umalalay sa Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) at Local Government Units (LGUs) para sa mga isasagawang preemptive evacuation, rescue and relief operations.

Samantala, activated na rin ang Critical Incident Management Committee ng PNP para mahigpit na i-monitor, i-coordinate ang lahat ng efforts ng PNP units sa kanilang Sub-Committee on Natural Disasters, Critical Incident Monitoring Team at PNP Command Center.

Samantala, inihayag naman ni PNP Public Information Officer Chief Police Gen. Red Maranan, na bukod sa HADR ay mahigpit na ipatutupad ang law and order sa mga lugar na posibleng hagupitin ng bagyo.

Layunin nito na tiyakin na walang mangyayaring looting o mga magnanakaw sa loob ng mga bahay na iiwan ng mga magsisilikas bukod pa sa mga naka-deploy sa evacuation centers.

Kasunod nito, tiniyak din ng opisyal na walang mangyayaring human rights violation at mapangangalagaan ang mga sektor ng kababaihan, kabataan at senior citizens. VERLIN RUIZ