3K ITIK KINATAY DAHIL SA BIRD FLU

DAVAO DEL SUR-INUMPISAHAN na ng pamahalaan ang piling pagkatay o ‘culling’ sa mga alagang itik sa ilang farm sa bayan ng Magsaysay sa lalawigang ito na dinapuan na rin ng avian influenza o ‘bird flu.’

Sinabi ni Magsaysay municipal agriculturist Helen Carampatan, ito ay makaraan na makumpirmang dinapuan ng sakit ang mga itik sa isinagawang ‘blood samples’ sa Barangay San Isidro.

Dahil dito, nasa kabuuang 3,008 itik ang kinatay nitong Abril 2 sa naturang barangay para mapigilan na kumalat ang sakit sa mga karatig na barangay.

Ipinag-utos naman ni Mayor Arthur Davin ang ‘quarantine’ sa kanilang mga hangganan at nag-isyu ng panuntunan sa paggalaw ng mga alagang itik at iba pang uri ng ibon.

Nagbabala rin ang lokal na pamahalaan na sa kabila na bibihira ang pagkahawa ng tao sa naturang virus, may mga pagkakataon rin na naipapasa ito ng ibon sa tao.

Maaaring wala itong sintomas o maging malala at posibleng magresulta rin sa pagkamatay ng isang nahawahan.