3K KATAO NAKIBAHAGI SA BIDA PROGRAM NG DILG

NASA 3,000 katao mula sa iba’t ibang sektor ang nakibahagi sa BIDA (buhay ingatan, droga’y ayawan) Program ng Department of Interior and Local Government (DILG) na isinagawa nitong Sabado ng umaga sa Imus, Cavite.

Personal na dumalo si SILG Benjamin Abalos Jr. sa nasabing okasyon na magkatuwang na itinaguyod ng DILG 4-A, Provincial Government of Cavite at Cavite Mayors League, bilang bahagi ng weeklong celebration ng BIDA Program anniversary at Drug Abuse Prevention and Control (DAPC) Week.

Bilang pampalasa sa nabanggit na okasyon ay bumida ang mga zumba enthusiasts sa ZUM-BIDA challenge at umarangkada rin ang 3 kilometer na color run na nilahukan ng PNP, BFP, NGO’s mga estudyante at maging ng ilang senior citizens.

Sa panayam kay SILG Abalos, sinabi nito na halos 70% o 7 sa bawat 10 nakakulong sa mga piitan ng pulisya ay mga kasong may kinalaman sa droga at sa bawat 7 nakakalaya sa kaso ng droga, 3 rito ay bumabalik sa kulungan base sa statistics.

Kaya naman, nakapaloob sa BIDA program hindi lang ang prevention kundi ang pagputol sa mismong ugat nito at pagtulong sa mga naging biktima ng droga na sila ay marehab o mabigyan ng trabaho paglabas ng kulungan.

Bilang patunay ay nakipagkasundo ang DILG sa Dept of Labor and Employment (DOLE) na bigyang trabaho ang mga bagong laya sa ilalim ng TUPAD program.

Tiniyak din ni Abalos na patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga sa BIDA program na suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
SID SAMANIEGO