UPANG ipakitang higit na tumatatag at lumalakas ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos sa gitna ng masalimuot pa ring usapin sa West Philippine Sea ay inihayag ng Hukbong Katihan na tuloy tuloy pa rin ang mga nakalatag na joint military exercise ng dalawang magkaalyadong bansa.
Una nang sinabi ni Philippine Army Commanding General Lt. General Romeo Brawner Jr., na ang taunang pagsasanay ay pagpapakita ng matatag na relasyon ng Pilipinas at U.S.
Sa pagpasok ng bagong taon ay sasabak ang mahigit 3,000 tauhan ng Philippine Army (PA) at US Army Pacific sa gaganaping 2023 Salaknib Joint military exercise.
Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad, kasalukuyang nasa final stage na ang ginaganap na planning conference para sa gaganapin war exercise para sa susunod na taon.
Ang isang linggong planning conference ay nagsimula nitong Lunes.
Ayon kay Philippine Army Deputy Assistant Chief of Staff for Education and Training, Col. Emmanuel Cabasan, isasapinal na sa pulong ang kabuuang konsepto ng operasyon, schedule ng mga aktibidad, imbentaryo ng mga tropa at kagamitan na isasali para sa taunang pagsasanay. VERLIN RUIZ